MANILA, Philippines — Upang maiwasan ang pagdanak ng dugo matapos ang pamamaslang sa kasamahang mambabatas na si Rep. Rodel Batocabe noong Disyembre 22 ng taong ito, nanawagan kahapon si AKO Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. sa mga pulitiko partikular na sa mga kandidato na disarmahan ang kanilang mga bodyguards.
Kasabay nito, hinimok din ni Garbin ang Philippine National Police (PNP) na umaksyon sa kaniyang panukala.
Sinabi ni Garbin na mas maganda na boluntaryong disarmahan ng mga pulitiko ang kanilang mga pribadong bodyguards upang maiwasan ang karahasan bunga ng tunggalian sa pulitika kaugnay ng gaganaping midterm elections sa Mayo ng susunod na taon.
Noong Disyembre 22 ng taong ito ay pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan si Batocabe na ikinasawi nito at ng kaniyang bodyguard na si SPO1 Orlando Diaz habang namamahagi ng Christmas gift sa covered court ng Brgy. Burgos, Daraga, Albay.
Ang insidente ay ikinasugat din ng siyam pa katao kabilang ang ilang senior citizens na pumila sa Christmas gift ng solon na isang kandidato sa pagka-alkalde ng Daraga.
Si Garbin ay isa sa mga kasamahang mambabatas at kaibigan ni Batocabe na habang dumadalaw sa burol ng nasawi ay nabiktima naman ng akyat bahay gang matapos na pasukin at pagnakawan ang tahanan nito kamakailan.