Lupa sa Mindanao na ‘di apektado ng bagyo, tatamnan ng palay - DA

Sinabi ni Piñol na inatasan na niya ang mga tauhan na bisitahin ang mga lugar na hindi sinasalanta ng bagyo upang doon ay mapagyamam ang pagtatanim ng palay.
File

MANILA, Philippines — Upang makadagdag sa produksiyon ng bigas sa bansa, sinabi ni Agriculture Sec. Manuel Piñol na pauunlarin ang industriya ng palay sa mga lugar sa bansa na hindi dinadalaw ng bagyo tulad ng Tawi-Tawi at Lanao del Sur sa Mindanao region.

Sinabi ni Piñol na inatasan na niya ang mga tauhan na bisitahin ang mga lugar na hindi sinasalanta ng bagyo upang doon ay mapagyamam ang pagtatanim ng palay.

Kalimitan anyang mula sa Luzon ang may pinaka maraming produksiyon ng palay sa bansa pero dahil sa pagtama ng mga kalamidad tulad ng bagyo ay bumababa ang kanilang ani tuwing harvest season.

Mas mainam anya na paunlarin ang produksiyon ng palay sa isang lugar na ‘di dumadanas ng bagyo bukod sa mayayaman naman ang lupa doon na maaaring pagtamnan ng palay.

Target ni Piñol na maglagay ng ricefields sa nabanggit na mga lugar sa susunod na taon.

Mas mainam anya na maparami ang mga lugar na mapapagkunan ng suplay ng bigas para sa patuloy na pagkakaroon ng imbak na bigas sa bansa at tuloy hindi na mag-import ng bigas sa ibayong dagat at iprayoridad na pagkukunan ng suplay ang ani ng mga local farmers sa ating bansa.

Show comments