Hepe ng Albay police sisante sa pagkamatay ni Batocabe

Ang pagkakatanggal kay Supt. Benito Dipat Jr. ay bahagi ng imbestigasyon para malaman kung may kakulangan sa kanyang seguridad ayon kay Philippine National Police chief Oscar Albayalde.
Photo courtesy of the Philippine National Police

MANILA, Philippines — Na-relieve sa pwesto ang police chief ng Daraga, Alabay matapos mapatay si Rep. Rodel Batocabe (Ako Bicol party-list).

Ang pagkakatanggal kay Supt. Benito Dipat Jr. ay bahagi ng imbestigasyon para malaman kung may kakulangan sa kanyang seguridad ayon kay Philippine National Police chief Oscar Albayalde.

Papalitan naman si Dipat ni Supt. Dennis Balla bilang hepe.

Ayon kay Chief Supt. Arnel Escobal, "standard operating procedure" daw ito tuwing may nangyayaring ganitong insidente. 

Patungo sana sina Batocabe at kanyang bodyguard na si SPO 1 Orlando Diaz sa isang gift-giving event para sa mga senior citizen noong Sabado nang biglang tambangan ng mga 'di pa nakikilalang suspek.

Iniutos na ni Albayalde ang paglikha ng special investigation task group para mahuli ang mga may sala.

“We appeal to the public to immediately report to the police any information that could lead us to the perpetrators and to help us quickly solve this case,” ayon kay Albayalde. 

Tinatayang nasa anim ang lumahok sa pag-atake base sa mga saksi. Tinitignan naman ang pulitika bilang motibo sa pagpatay. 

Tatakbo sanang alkalde si Batocabe sa darating na Mayo.

Nakatakda namang magpulong ang Comission on Elections para pag-usapan kung idedeklara na bilang "election hotspot" ang lalawigan ng Albay. 

“I really can’t say what the en banc will do at this point. I can assure you though that this matter (declaration of Albay as election hotspot) will be brought up before the en banc at the earliest possible opportunity,” ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez. 

Nanawagan naman ang Independent Bar of the Philippines sa Korte Suprema na gumawa ng mga hakbang upang protektahan ang mga abogado mula sa karahasan. Si Batocabe ay miyembro din ng IBP.

Show comments