Bawal na mga paputok pinababantayan sa PNP, LGUs
MANILA, Philippines — Upang maiwasan ang mga sakuna na dulot ng paggamit ng ipinagbabawal na paputok, inatasan kahapon ni DILG Sec. Eduardo Año ang lahat ng Local Government Units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) na manatiling vigilante at ipatupad ang mahigpit na regulasyon laban sa paggamit ng mga delikadong paputok sa panahon ng kapaskuhan.
“Upang maiwasan ang anumang sakuna o sunog na dulot ng paputok, kailangang ipatupad ng mga LGUs ang kautusan laban sa paggamit ng paputok,” pahayag ni Año.
Partikular na pinatututukan ang watusi, piccolo, super lolo, atomic triangle, large Judas belt, large bawang, pillbox, bosa, Goodbye Philippines, Bin Laden, mother rocket, lolo thunder, coke in can, atomic bomb, five star, pla-pla, giant whistle bomb at kabasi.
Binigyang diin ni Año na target nila na mabawasan ang mga biktima ng bawal na paputok ngayong taon.
Sa ilalim ng Republic Act 7183, ang PNP ang magdedetermina sa mga ipinagbabawal na paputok at pyrotechnic devices at magpalabas ng regulasyon at patakaran sa pagkontrol sa paggamit nito.
Samantala, mga Local Chief Executives partikular na ang mga alkalde naman ang awtorisadong magpatupad ng regulasyon laban sa mga paputok at iba pang pyrotechnic devices sa mga lugar na kanilang hurisdiksyon.
Alinsunod naman sa Executive Order 28 na nilagdaan ni Pangulong Duterte, ang paggamit ng mga fireworks ay para lamang sa ‘community fireworks display’.
- Latest