MANILA, Philippines — Pabor ang Malakanyang sa naging pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang mga nasa kapangyarihan ay hindi dapat nambu-bully.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kahit nga mismo si Pangulong Duterte ay kontra sa pambu-bully.
Sinabi ni Panelo, kung generic ang naging mensahe ng Cardinal, ito rin aniya ang paninindigan ng Chief Executive at nagkakaisa sila sa magkatulad na pananaw kontra bullying.
Pero kung ang Pangulo aniya ang pinatutungkulan sa naging sermon ni Tagle sa unang araw ng simbang gabi nitong nakaraang linggo, sinabi ni Panelo na hindi ugali ng Presidente na mam-bully.
Kung nakapagsasalita man ang Pangulo ng hindi maganda sa pandinig ng iba, hindi aniya ito pambu-bully kundi pagpapahayag lamang ng sentimyento sa isang sitwasyon at pagpapakita na hindi niya nagugustuhan ang isang bagay.
Magugunita na naging homily ni Tagle kamakailan na hindi daw dapat gamitin ang kapangyarihan upang mam-bully at mambastos.