MANILA, Philippines — Panahon na para magtalaga si Pangulong Duterte ng ikalawang mahistradong Muslim sa Korte Suprema upang mabigyan ng boses at representasyon ang mga tubong Mindanao, ayon kay Marawi civic leader at peace-builder Samira Gutoc.
“Napakahalaga na ang susunod na maitatalagang mahistrado sa Korte Suprema ay mulat din sa mga isyung dinaranas ng mga Pilipinong Muslim at may dunong na nahasa sa dekadang pakikipagtuos ng rehiyon sa mga sakuna at problema sa kapayapaan,” wika ng opposition senatorial candidate na si Gutoc.
Sa kasaysaysayan ng Kataas-taasang Hukuman sa bansa, tanging si Abdulwahid Bidin ang nag-iisang Muslim na nakaupo sa naturang posisyon matapos siyang italaga ni dating Pangulong Corazon Aquino bilang Associate Justice noong 1987.
Umaasa naman si Gutoc na si Marawi City-born Court of Appeals (CA) Associate Justice Japar Dimaampao na ang susunod na magiging miyembro ng SC kapalit ni Associate Justice Noel Tijam na magreretiro sa susunod na taon.
“Mindanao and the rights and welfare of its people have long been ignored and marginalized by the powers that be. Kaya’t marapat lamang na mabigyan ng pagkakataong makilahok sa paggawa ng mga desisyon at kasaysayan ang isang Muslim,” dagdag nito.