Takbo ng mga sasakyan sa EDSA, 20 kph na lang
Dahil sa trapik
MANILA, Philippines — Walong araw bago ang Pasko, patuloy ang pagbigat ng trapiko na aabot na lamang sa 20 kilometro kada oras ang takbo ng mga sasakyan sa EDSA.
Ito ang tantiya ni bagong talagang EDSA Traffic Manager Bong Nebrija na siyang magiging pinakamabilis na lalo na tuwing rush hour.
Ikinatwiran ng opisyal na bukod sa papalapit na Kapaskuhan kung kailan dagsa ang mga motorista dahil sa pamimili at pagdalo sa iba’t ibang kasayahan, nakadagdag pa rito ang masamang panahon na may pag-ulan na lalong nagpapabagal sa trapiko.
“Marami na pong nag-Christmas rush, Christmas party, and marami po tayong galing sa mga karatig na probinsya natin na dito namamasyal. Umuulan-ulan pa po so talaga pong makes for a perfect traffic situation,” ayon kay Nebrija.
Sa kabila nito, sinabi ni Nebrija na patuloy ang kanilang pagtatrabaho upang mapaluwag ang EDSA partikular na sa pagdisiplina sa mga pribado at pampublikong motorista pati na rin sa mga commuters na walang disiplina sa pagbaba at pagsakay.
Nag-umpisa na umano silang nagpatupad ng “no day-off/ no absent policy” dahil sa inaasahang pagtindi ng trapiko sa pagpasok ng Disyembre 15.
“Sa mga nagsasabi na four hours, three hours silang nasa Edsa, sorry for the inconvenience but this is something that we all need to be part of solving the traffic,” panawagan ni Nebrija sa lahat ng motorista at mananakay.
- Latest