MANILA, Philippines — Aabot na sa higit 500 miyembro ng indigenous people (IP) na namamalimos sa kalsada ang dinampot ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa iba’t ibang lungsod ng Kamaynilaan na lalo pang dumarami habang papalapit ang Kapaskuhan.
Ito ay makaraan ang limang araw na operasyon ng NCRPO at iba’t ibang police station mula Disyembre 11-16 at pagpapatupad sa Presidential Decree No. 1563 o ang Medicancy Law of 1978.
Sa tala ng NCRPO, nasa 215 adult at 320 menor-de-edad na IPs ang kanilang nadampot sa 60 operasyon. Kabilang dito ang 117 mga Aeta, 59 Badjao, at 359 pang ibang katutubo.
Pinakamaraming nasagip na katutubo ang Quezon City Police District at Manila Police District na parehong may naitalang 224; kasunod ang Southern Police District, 68; Eastern Police District, 16; habang pinakahuli naman ang Northern Police District na tatlo lamang ang nasagip sa kabila ng maraming presensya ng mga IPs na namamalimos sa kalsada.
Sa ilalim ng batas, maaaring mapatawan ng parusang mula P500-P1,000 multa ang isang namamalimos o pagkakulong ng hanggang 4 na taon. Papatawan din ng multa ang sinumang mahuhuling nagbibigay ng limos.
Ipinagmalaki naman ni NCRPO chief, P/Director Guillermo Eleazar ang paglulunsad ng “Ligtas Paskuhan 2018” na layong labanan ang mga krimen na karaniwang tumataas sa kapaskuhan sa pagpapakalat ng dagdag na mga tauhan sa mga istratehikong lugar na dinadagsa ng publiko.
Nasa 7,823 pulis ang ikinalat ng NCRPO katuwang ang 7,995 force multipliers sa mga “police assistant hubs” sa mga palengke, shopping malls, simbahan, airports, LRT at MRT terminals, mga pier at bus terminals.