MANILA, Philippines — Generally peaceful ang unang Simbang Gabi sa Metro Manila na nagsimula kahapon ng madaling araw.
Sa kanyang pagdalo sa Balitaan sa Maynila, sinabi ni National Capital Regional Police Office Director Chief Supt. Guillermo Eleazar na pinagbatayan niya ang naging ulat sa kaniya ng iba’t ibang police districts na walang naitalang mga untoward incidents sa kanilang nasasakupan.
Personal na nag-ikot at nagsagawa ng inspection kahapon ng madaling araw si Eleazar sa iba’t ibang simbahan gaya ng Quiapo, Sta Cruz, Binondo at Manila Cathedral.
Tiniyak naman ni Eleazar na magpapatuloy pa rin ang kanilang police visibility hindi lamang sa mga simbahan kundi maging sa mga kalye upang matiyak na ligtas ang mga dadalo sa Simbang Gabi.
Bagamat walang namomonitor na banta sa seguridad ang NCRPO, hinimok ni Eleazar ang publiko na maging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran.
Nasa heightened alert status ngayon ang NCRPO, bilang bahagi ng Ligtas Paskuhan 2018 ng PNP.