MANILA, Philippines — Sinibak kahapon sa puwesto ang hepe ng Rizal Provincial Police Office (PPO), hepe ng Cainta Police at 14 iba pa matapos masangkot sa pagkakapatay sa security aide ni dating Biliran congressman at senatorial candidate Glenn Chong sa bayan ng Cainta, Rizal noong Lunes.
Kabilang sa mga sinibak sina Rizal PPO Director P/ S. Supt. Lou Evangelista, Cainta Police Chief P/Supt Pablito Naganag, 10 miyembro ng Regional Intelligence Group (RIG) team at apat pang pulis na nakatalaga sa Cainta.
Ayon kay CALABARZON Police Chief P/Director Edward Carranza, pinatawan niya ng administrative relief ang dalawang opisyal at 14 pang pulis kaugnay ng pagkamatay ng biktimang si Richard Santillan sa shootout sa Cainta, Rizal.
Si Santillan ay nakipagpalitan umano ng putok sa mga pulis sa checkpoint habang lulan ng isang SUV matapos na tumangging sumailalim sa inspeksyon ang rehistro ng kaniyang sasakyan na noon pang 2015.
Nakipag-usap na rin si Carranza sa Highway Patrol Group (HPG) para sa pagsibak ng mga tauhan nito na sangkot rin sa shootout.
Sa kabila nito, nanindigan si Carranza na lehitimo ang operasyon at kung sinibak man niya ang dalawang opisyal at mga tauhan ng mga ito ay upang bigyang daan muna ang imbestigasyon.
Base sa report ng pulisya, si Santillan ay sangkot umano sa carnapping at pagbebenta ng droga. Nasamsam sa operasyon ang 60 gramo ng shabu.
Sinasabing si Santillan ay miyembro ng gun for hire, carnapping at pagbebenta ng iligal na droga sa Cainta.
Humalili naman sa puwesto kay Evangelista si Supt. Dionisio Bartolome habang pumalit kay Supt. Naganag si Supt. Gauvin Unos.