MANILA, Philippines — Naghain ang isang dating congresswoman ng disqualification case laban kay Surigao del Sur 1st District Rep. Prospero Pichay, sa pagsasabing pinagbawalan na siya ng Office of the Ombudsman na humawak pa ng anumang puwesto sa pamahalaan.
Sa kanyang petisyon sa Commission on Elections, sinabi ng dating mambabatas na si Mary Elizabeth Ty na nahatulang guilty si Pichay sa kasong grave misconduct ng Ombudsman noong June 11, 2011.
Nag-ugat ang desisyon sa iligal na paggamit ng pondo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) na may kabuuang halaga na P780 milyon sa Express Savings Bank Inc., isang pribadong bangko na nasa ilalim ng pamamahala ng BSP.
Ang desisyon ay may kalakip na parusang dismissal, forfeiture ng lahat ng benepisyo at diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang puwesto sa pamahalaan.
Noong July 8, 2011, ipinatupad ng noo’y Executive Secretary Paquito Ochoa ang kautusan ng Ombudsman na nag-aalis kay Pichay sa serbisyo.
Ibinasura ng Ombudsman ang motion for reconsideration (MR) ni Pichay noong Aug. 1, 2011 habang tinanggihan ng Court of Appeals ang kanyang petition for review noong Oct. 23, 2013. Nagsumite si Pichay ng MR, ngunit ito’y nabasura rin noong Feb. 24, 2014.
Matapos nito, naglabas ang Ombudsman ng direktiba sa Comelec upang maipatupad ang desisyon at mapataw na ang parusang dismissal mula sa serbisyo laban kay Pichay.
Noong January 19, 2016, naglabas ang Comelec ng Document No. 16-0741 na nagsasabing kasama na si Pichay sa kanilang database ng mga disqualified na humawak ng puwesto sa pamahalaan.
Sa kabila ng pagkakabimbin ng apela ni Pichay sa Supreme Court, iginiit ni Ty na executory na ang desisyon ng Ombudsman dahil inilabas ito noong July 4, 2011.
Sa kanyang petisyon, hiniling din ni Ty sa Commission on Elections na kanselahin ang certificate of candicacy (COC) ni Pichay dahil naglalaman umano ito ng maling impormasyon at dapat ideklarang walang bisa.
Sa kanyang COC, minarkahan umano ni Pichay ang “no” box na nagtatanong kung naparusahan siya sa isang kasalanan na may parusang perpetual disqualification sa paghawak ng puwesto sa pamahalaan na naging pinal na.