MANILA, Philippines — Sa kabila ng palaging pagbatikos sa mga obispo at mga pari ng Simbahang Kaloliko, nagpalabas kahapon ng isang pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na humihikayat sa lahat na tularan ang mga katangian ni Maria.
Ipinagdiwang kahapon ang kapistahan ng “Immaculate Conception of the Blessed Virgin Mary” na nauna ng idineklarang special non-working holiday ng Pangulo noong nakaraang taon.
Sa pahayag, sinabi ng Pangulo na dapat tularan ang pagigiging mapagpakumbaba at mapagmalasakit ni Maria at maging halimbawa ang katatagan ng kanyang pananampalataya.
Ayon pa sa Pangulo, nakikiiisa rin siya sa pagdiriwang ng Kapistahan ng “Immaculate Conception of the Blessed Virgin Mary.”
Taun-taon aniya ay nagkakaisa ang puso at diwa ng mga mananampalataya upang gunitain ang buhay ni Virgin Mary na dapat hangaan ang pagiging simple, kabaitan at kababaang loob.