MANILA, Philippines — Nanindigan si Sen. Bam Aquino na hindi dapat pumasok sa anumang secret deal ang pamahalaan sa China at dapat nitong tiyakin na una ang kapakanan ng mga Pilipino sa mga kasunduan nito sa Chinese government.
Kinondena ni Sen. Bam ang malabong polisiya ng pamahalaan pagdating sa relasyon nito at mga kasunduan sa China, lalo na pagdating sa ating teritoryo sa West Philippine Sea at sa mga kontratang pinasok nito sa pagbisita ni Chinese President Xi Jinping.
Idinagdag pa ng senador na hindi naman gumanda ang ekonomiya ng bansa mula nang pumaling ang pamahalaan sa China.
Hinamon naman ni Bam ang Senado na pangunahan ang pag-iimbestiga sa mga kasunduan ng pamahalaan sa China at kung makikinabang nga ba ang bansa rito.
Noong September 19, 2016, inihain ni Sen. Bam ang Resolution No. 158 na layong silipin ang direksiyon ng foreign policy ng bansa at alamin ang posisyon ng pamahalaan sa ilang isyu, tulad ng West Philippine Sea, Benham Rise at iba pang kasunduan sa China.