MANILA, Philippines — Matapos ang matagal na pagkakakulong, pagtatago at mapawalang sala sa kasong kanyang kinakaharap, muling lumitaw si dating Police Supt. Cesar Mancao upang isulong ang ‘May Pag-asa’ partylist na naglalayong maiangat ang pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa kanyang pagdalo sa Balitaan sa Maynila, sinabi ni Mancao na ito ang tamang panahon upang tulungan si Pangulong Duterte na maiahon ang mahihirap sa kanilang pamumuhay.
Nais ni Mancao na 1st nominee ng ‘May Pag asa’ partylist na hindi dapat na mawalan ng pag-asa at patuloy lumaban sa hamon ng buhay ang mga Pilipino habang katuwang ang pamahalaan
Aniya, maraming proyekto ang pamahalaan na dapat na tangkilikin ng mga publiko para na rin sa kanilang pag-unlad.
Tulad na rin ng nangyari sa kanya, inakala niyang hindi na siya makakawala sa bangungot ng kanyang pagkakakulong subalit kumapit lamang siya sa Diyos at tiwala sa batas.
Dagdag ni Mancao, ang lahat ay may pag-asang magbago, pag-asang umunlad at pag-asang mabuhay ng maayos.
Sakali aniyang makapuwesto ang ‘May Pag asa’ sa ilalim ng Hukbong Pagbabago makakaasa ang publiko na kapakanan ng mga salat at mahihirap ang kanyang prayoridad.