Ika-4 na suspek sa Kian murder tugisin!
MANILA, Philippines — Hanapin ang ika-4 na suspek sa Kian murder ang mariing panawagan kahapon ni 1-Ang Edukasyon Partylist Rep. Salvador Belaro sa Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Belaro na bilang isang residente ng Caloocan City at isa ring magulang, hindi pa buo ang hustisya na nakamit ng pamilya ni Kian Loyd delos Santos dahil tatlong pulis pa lamang ang nahahatulan ng korte.
Nitong nakalipas na Nobyembre 29 ay hinatulan ng guilty ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 125 ang tatlong pulis na sangkot sa pagpatay kay delos Santos sa isang buy-bust operation noong Agosto 2017.
Ang tatlong suspek na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz ay pinatawan ng reclusion perpetua o pagkakabilanggo ng 40 taon at pinagbabayad rin ng P345,000 danyos perwisyo sa pamilya ni delos Santos.
Nabatid na ibinasura ng korte ang alibi ng mga akusado na nanlaban ang binatilyo at pinaniwalaan ang testimonya ng dalawang kabataan na nakaluhod na si Kian na nagmamakaawa sa kaniyang buhay nang pagbabarilin.
Sinabi ni Belaro na ang ikaapat na suspek ay si Renato “Nonong “ Loveras na hindi pa nakikita matapos na magtago at hindi rin sumipot sa paglilitis ng kaso ni Kian.
“The PNP must prioritize the search for and arrest of Loveras,” anang opisyal.
Kaugnay nito, sinabi ni Belaro, miyembro ng House Justice Committee na isinulong niya ang House Bills 6574 at 6204 upang mapalakas pa ang prosekusyon at imbestigasyon sa sistema ng batas sa bansa.
“As Assistant Minority Leader, I will find out if HB 6574, now with the Rules Committee, could move forward. I will try because the bill has merits and it is at an advanced stage in the legislative process already,” sabi pa ng mambabatas.
- Latest