MANILA, Philippines — Pormal nang inanunsiyo ng Malacañang ang pagtatalaga ni Pangulong Duterte kay Supreme Court (SC) Associate Justice Lucas Bersamin bilang bagong Chief Justice.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, si Bersamin ang maituturing na “most senior Justice” sa Korte Suprema kung ang pagbabatayan ay haba ng serbisyo o panunungkulan nito sa Hudikatura sa iba’t ibang kapasidad.
Ayon kay Sec. Panelo, nagsilbi na si Justice Bersamin ng 17 taon bilang Presiding Judge ng Quezon City Regional Trial Court, mahigit anim na taon bilang Associate Justice ng CA at halos 10 taon bilang Associate Justice ng Korte Suprema.
Papalitan ni Bersamin, 69, si retired Chief Justice Teresita Leonardo de Castro.
Manunungkulan si Bersamin kulang ng isang taon o hanggang sa umabot ito sa kanyang retirement age na 70 sa Oktubre 18, 2019.
Si Bersamin ay appointee ni dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Samantala, itinalaga rin ng Palasyo bilang bagong associate justice ng SC si Court of Appeals (CA) Justice Rosmari Carandang.
Sabi ni Panelo, na tinawag ni Pangulong Duterte na “the best and the brightest” ang dalawang mahistrado dahil si Bersamin ay 9th placer sa 1973 Bar Examinations habang si Carandang ganun din ang ranking sa 1975 Bar Examinations.