Pagtatrabaho ng mga dayuhan mas hinigpitan

Ito’y matapos katigan ng 215 kongresista at walang tumutol ang House Bill 8368 na nag-aamyenda sa Labor Code.
KrizJohn Rosales

MANILA, Philippines — Sa gitna ng isyu sa pagdami ng mga Chinese workers dito sa bansa, pinagtibay na ng Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukala na naghihigpit ng regulasyon sa pagta­trabaho ng mga dayuhan sa Pilipinas.

Ito’y matapos katigan ng 215 kongresista at walang tumutol ang House Bill 8368 na nag-aamyenda sa Labor Code.

Sa ilalim ng panukala, susundin ang labor market test bilang basehan ng pagtukoy kung walang Pinoy na kwalipikado at handang gumawa ng trabaho kung saan iha-hire ang isang dayuhan.

Magkakaroon lamang ng exemption dito para sa sektor kung saan mabigat ang kakulangan sa manggagawang Pinoy.

Nakasaad din na ang sinumang dayuhan na mabibigyan ng Labor Department ng employment permit ay obligadong ilipat ang kanilang skills at tek­nolohiya sa mga Pinoy sa loob ng itinatakdang panahon.

Hindi naman sila maaaring lumipat ng trabaho nang walang per­miso buhat sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Itinatakda ang parusa sa mga dayuhan at kanilang employer na lalabag ang multang P50,000-P100,000 at pwede rin silang makulong ng hanggang anim na taon at ­idedeport matapos mapagsilbihan ang sentensya.

Show comments