Universal Health Care aprub sa bicam

Kapag naging batas, lahat ng Filipino, maging mahirap man o mayaman ay libre na sa pagpapagamot sa mga pampublikong hospital at sa mga pribadong hospital na accredited ng PhilHealth.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Itinuturing na “historic day” ng mga senador ang pagpasa ng bicameral conference committee sa Universal Health Care Bill na naglalayong magkaroon ng 100% coverage sa mga health care services ang lahat ng Filipino.

Kapag naging batas, lahat ng Filipino, maging mahirap man o mayaman ay libre na sa pagpapagamot sa mga pampublikong hospital at sa mga pribadong hospital na accredited ng PhilHealth.

Awtomatiko na rin ang enrollment ng lahat ng Filipino sa ilalim ng National Health Insurance Program ng PhilHealth, kahit pa sila ay direct o indirect contributors.

Maging ang pagpapa-check up ay sakop na rin ng panukala kapag ganap na itong naisabatas.

Gayundin ang dental check-up at ang maintenance medicine sa mga senior citizens ay magi­ging libre na rin sa ilalim ng Universal Health Care.

Ayon kay Sen. JV Ejercito, chair ng Senate Committee on Health and Demography, posibleng maratipikahan ngayon ang panukala at maging ganap na batas bago mag-Pasko.

Kapag nalagdaan na ng Pangulo, ang lahat ng Pinoy ay awtomatikong magkakaroon ng PhilHealth coverage at hindi na mangangailangan pa ng PhilHealth ID.

Magkakaroon naman ng karagdagang benepisyo ang mga paying members bilang incentive para mahikayat silang ipagpatuloy ang kanilang pagbabayad.

Ang pondo para sa panukala ay kukunin sa sin tax collection; 50% sa National Government share mula sa PAGCOR; 40% mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office charity fund, net ng Documentary Stamp Tax payments at national subsidy sa General Appropriations Act.

Show comments