MANILA, Philippines — Naniniwala si Sen. Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services na dapat magsagawa ng background checks ang gobyerno sa nanalong third telco player.
Ayon kay Poe, dapat matiyak na hindi makokompromiso ang seguridad ng bansa kabilang na ang impormasyon ng mga Pilipino.
Kamakailan lang, iginawad ng Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission sa Mislatel consortium na kinabibilangan ng Udenna Corp., Chelsea Logistics, Mindanao Islamic Telephone Company at China Telecoms ang karapatan para labanan ang dalawang pinakamalalaking telecom companies sa bansa.
Sinabi ni Poe na dapat tumupad ang Mislatel sa pangako nitong magkakaroon ng mas mabilis na Internet na hindi bababa sa 27 megabits per second (Mbps) at 55 Mbps sa mga susunod na taon.
“Pinapangako nila na aabot tayo ng 55 mbps ang speed. Ngayon kasi ang maximum ay 10 lang. So kung talagang 55 mbps bibilis ang internet natin. Ang tanong, talaga bang magagawa nila at pangalawa, ‘pag sinabi nila—kailangan 37 percent na ng underserved area ang mabibigyan within the first year kailangan doon naman din sa mga lugar, hindi lang sa Metro Manila, ‘yung mga walang signal talaga,” diin ni Poe.
Samantala, hindi dumalo sa pagdinig si Davao-based tycoon Dennis Uy na kabilang sa may-ari ng third telco.
Sa sulat ni Uy, sinabi nito na mayroon siyang naunang commitment kaya hindi siya makakadalo sa hearing.