15 pang Chinese huli sa illegal online gambling
MANILA, Philippines — Labing-limang Chinese nationals na pawang sangkot sa illegal online gambling ang nadakip sa operasyon na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa, Punta Verde Subdivision, Pulong Catutod, Angeles City, Pampanga.
Ang mga nadakip ay kinilalang sina Yu Shize, Lin Hai Yang, Li Jun Qing, Yu Wen Quian, Xiao Wen Lao, Cai Shui Rong, Lin Jingming, Ju Shi Lin, Qui Zai Wei, Xiao Jian Ze na pawang naaresto sa Angeles, Pampanga.
Ayon kay NBI Spokesperson Ferdinand Lavin, nakatanggap ang ahensya ng impormasyon hinggil sa illegal operation ng mga suspek kaya’ t sa bisa ng search warrant ay sinalakay ang lugar at inabutan ang mga dayuhan na kasalukuyang nag-ooperate ng illegal online gambling.
Samantala, naaresto rin ang limang iba pa sa tatlong condominium units sa Maynila na nakilalang sina Pan Jianbei, Pan Taiyuan, Jie Lu, Shengbo Zhang at Jian Lou Zhou.
Ayon naman kay Vicente De Guzman, NBI Deputy Director pumasok ang mga Chinese nang ligal sa bansa kaya’t wala silang hinala na masasangkot ang mga ito sa iligal na gawain.
Sinampahan sa Manila Prosecutors office ang mga naaresto sa kasong paglabag sa P.D 1602 o Anti-Illigal Gambling Act in relation to RS 10175 o Cybercrime Prevention Act.
- Latest