MANILA, Philippines — Dinagsa ng mga kaanak at supporter ng mga Bar examinees ang labas ng University of Santo Tomas (UST) sa Sampaloc, Maynila sa ikaapat at huling linggo ng pagsusulit kahapon.
Ayon sa Manila Police District (MPD), aabot sa 2,000 supporter kabilang ang pamilya ng mga examinee ang dumagsa sa UST.
Kabilang ang remedial law at legal ethics sa mga asignaturang kinuhang nasa 8,000 examinees.
Samantala, mahigit 500 pulis na ang ipinakalat ng MPD sa paligid ng unibersidad mula sa dating 400 habang nagpatupad din ng stop and go traffic scheme upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Maituturing namang payapa sa pangkalahatan ang apat na linggong 2018 Bar exam.
Ayon kay ?MPD spokesman Senior Insp. Philip Ines, inasahan naman nilang dadami ang magtutungo sa huling araw ng Bar.
Dahil dito kaya isinara ang bahagi ng España Boulevard mula Lacson Avenue hanggang P. Noval St. alas-3 ng hapon kahapon.
Sa datos ng Supreme Court, mahigit 8,700 ang kumuha ng Bar exam ngayong taon na pinakamataas na bilang sa nakalipas na ilang taon.