MANILA, Philippines — Higit pang pauunlarin ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Secretary Isidro S. Lapeña ang kasalukuyang ipinatutupad at ipinaiiral na mga programa sa technical vocational education training (TVET).
Binitiwang pangako ito ni Lapeña sa idinaos nitong executive meeting sa mga opisyal at empleyado ng TESDA Region Xll sa kanyang kauna-unahang regional tour bilang pinuno ng ahensya.
Aniya, ang kanyang “takeoff point” bilang Director General ng TESDA ay paunlarin ang kung ano meron ngayon ang TESDA.
Upang higit na mapag-aralan ang tungkol sa nasabing mga programa at kalagayan sa ground, plano niyang bisitahin ang lahat ng mga regional offices hanggang matapos ang taon, gayundin ang mga provincial offices ng TESDA.
Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, sinabi ni Lapeña na magiging prayoridad niya na matulungan sa pamamagitan ng mga scholarship programs ang mga mahihirap, indigenous peoples (IPs), people with disabilities (PWD), rebel returnees, at mga biktima ng armed-conflicts.
Mahalaga anyang mabigyan ng skills ang mga kabilang sa pinakamahirap na lipunan upang matulungan silang makahanap ng trabaho o makapagpatayo ng kanilang maliit na negosyo para umangat ang kanilang pamumuhay.
Suportado rin ni Lapeña ang planong pagpapatayo ng mga bagong gusali ng TESDA Regional Office at Manpower Training Center sa Region Xll.