CEBU, Philippines — Makakatanggap ng dagdag suweldo ang mga empleyado ng gobyerno sa Enero ng susunod na taon.
Inihayag ni Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na makakamit ng mga nagseserbisyo sa gobyerno ang umento kahit na hindi pa maaprubahan ang 2019 national budget.
“The fate of the 2019 national budget will have no impact on the scheduled round of pay hikes next year for government personnel, civilian and military,” pahayag ni Andaya.
Kasabay nito, sinabi ni Andaya na ‘fake news ‘ umano ang mga lumabas na balita na ang dagdag suweldo ay depende kung maaprubahan ang national budget para sa susunod na taon.
Aabot sa P 3.757 trilyon ang panukalang budget para sa 2019 at ayon sa solon ay nakaprograma na ang dagdag suweldo sa mga empleyado ng gobyerno.
Ang increase sa sahod ay makukuha na sa unang paycheck sa Enero 15, 2018 para sa mga sibilyang empleyado at military personnel na nasasaklaw ng hiwalay na batas.
Nakatakda namang magpalabas ang gobyerno ng P121.7 bilyon para sa dagdag suweldo ng mga empleyado ng gobyerno.