‘Ang Probinsyano’ at DILG nagkasundo na
MANILA, Philippines — Nakipagpulong na kahapon ang aktor na si Coco Martin at ABS-CBN Channel 2 executives sa ilang mga opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) kaugnay ng teleseryeng “Ang Probinsyano “.
Ito’y sa gitna na rin ng pagpalag ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde sa hindi magandang imahe ng PNP lalo na ng Chief PNP sa nasabing premyadong teleserye .
Una nang inihayag ni Albayalde na nadismaya siya sa nasabing karakter sa papel ng PNP Chief na ginagampanan ni Soliman Cruz sa “Ang Probinsyano” dahil ito ang utak ng smuggling, drug trafficking, kidnapping at protektor rin ng mga organisadong kriminal.
Bukod dito ay ginagamit din umano ng nang-agaw ng tronong Bise Presidente na ginagampanan naman ni Edu Manzano ang posisyon makaraang tambangan ang Pangulo sa nasabing teleserye.
Si SPO2 Ricardo Dalisay na ginagampanan ni Martin ay isang Absence Without Official Leave (AWOL) na kapanalig ng Vendetta at siyang bida sa teleserye.
Sinabi ni DILG spokesman Jonathan Malaya na naging produktibo ang pulong at nagkapaliwanagan ang magkabilang panig.
Nakatakda namang lagdaan sa Nobyembre 26 ang isang Memorandum of Understanding (MOA) hinggil sa limitasyon sa paggamit ng mga kagamitan, uniporme, sasakyan, logo at gusali ng PNP.
Dagdag pa ni Malaya, tuloy ang suporta nila sa “Ang Probinsyano’ basta’t hindi lamang sisirain sa publiko ang imahe ng PNP.
Nabatid na si Martin, ABS-CBN producer ay haharap kay Albayalde sa paglagda sa MOA.
Si Albayalde ay kasalukuyang nasa official mission sa ibang bansa.
- Latest