MANILA, Philippines — Posibleng tumaas na ang presyo ng mga alak sa mga unang araw ng Enero 2019.
Ito’y matapos na aprubahan ng House Ways and Means Committee ang substitute bill na nagtataas sa excise tax rates ng mga alcoholic drinks sa bansa.
Layon ng substitute bill na itaas sa P6.60 ang excise tax sa mga alcoholic drinks kumpara sa kung ano ang ipinapatupad sa ilalim ng Republic Act 10351 o ang batas para sa excise tax sa mga nakakalasing na inumin at tobacco.
Bukod dito inaprubahan na rin ng komite ang P650 unitary rate para sa mga sparkling wines.
Itinaas naman sa P2.10 ang buwis sa mga still at carbonated wines, habang ang mga alcohol content na mas mataas sa 14% ay may P4.10 pagtaas.
Ang inaprubahang tax rate para sa fermented liquors ay itinaas sa P2.60.