MANILA, Philippines — Pinahina ng pagpayag ng Sandiganbayan na makapagpiyansa si dating unang ginang at Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos ang tiwala ng mga mahihirap na Pilipino sa korte.
Ito ang reaksyon kahapon ni Vice President Leni Robredo kaugnay ng piyansa ni Marcos na pinahintulutan ng Sandiganyana para sa pansamantala nitong kalayaan kaugnay ng sentensiya nito sa pitong kaso ng graft and corruption.
Ayon sa Bise Presidente, ang ginawa ng Sandiganbaya ay nagpalakas umano sa pananaw ng mga Pilipino na ang mga mayayaman at makapangyarihan lamang sa bansa ang pinapaboran ng katarungan.
“Nagbibigay ito ng impresyon na kung mayaman ka o meron kang high social status, napakadali. Kung mahirap ka at kahit nakagawa ka lang ng simpleng pagkakamali, makukulong ka na ng maraming taon,” sabi pa ni Robredo sa kanyang radio program na BISErbisyong Leni sa dzXL.
Idiniin niya na ang bail na itinakda ng anti-graft court ay “mere pittance” kumpara sa bilyones na ninakaw umano ng pamilya Marcos sa mga Pilipino.
Samantala, nagpakita na rin si Marcos sa sesyon ng Kamara kahapon.
Ito ay matapos na makapagpiyansa si Marcos ng P150,000 sa Sandiganbayan noong Biyernes matapos na sentensiyahan sa pitong bilang ng kasong graft.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kongresista sa media o anumang komento sa mga kumukwestyon sa sinasabi ng ilan na special treatment sa kanya ng korte.
Sa kabila ng binabanggit niya na ibat-ibang uri ng sakit sa mosyong naihain sa korte, sinabi ni Marcos na okay naman siya at magiliw pang nakipag usap sa mga kapwa kongresista sa session hall at pinagbigyan ang request ng ilang staff na makapagpa-picture sa kanya.
Kaugnay pa nito, pinagpapaliwanag ng Sandiganbayan ang abogado ni Marcos kung bakit hindi siya dumalo sa ikalawang pagdinig noong nakaraang linggo.
Sa inilabas na kautusan ng fifth division ng Anti graft court, binigyan lamang nila ng limang araw si Atty. Robert Sison kung bakit hindi siya dapat pagmultahin dahil sa hindi pagdalo sa hearing noong Nobyembre 16.