NDRRMC naghahanda kay ‘Samuel’
MANILA, Philippines — Pinaghahandaan na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang bagyong Samuel na nakapasok na sa bansa.
Sinabi ni Edgar Posadas, tagapagsalita ng NDRRMC na nagsagawa na ng pagpupulong ang mga taga PAGASA at Department of Interior and Local Government (DILG) kasama ang 17 regional team offices.
Ayon umano sa PAGASA, wala pang saktong direksyon na tinatahak si Samuel subalit inaasahan na magla-landfall ang nasabing bagyo sa Martes sa CARAGA Region o Eastern Visayas.
Bagamat hindi naman inaaasahan ng NDRRMC na kasing laki ng pinsala tulad sa bagyong Ompong at Rosita ang idudulot ni Samuel ay hindi umano sila dapat magpaka-kampante.
Paliwanag pa ni Posadas, nag-isyu na ng memo para sa 1,368 barangays mula sa iba’t ibang rehiyon na posibleng maapektuhan ng bagyo kung saan nakasaad sa memo na maaari silang magpatupad ng preemptive evacuation at forced evacuations.
Sa ganitong paraan umano ay maraming buhay ang maliligtas kung sumusunod lamang sa protocol ng gobyerno.
Sa ngayon ay mas mabuti na umano ang maging overacting o ‘OA’ ang NDRRMC para maging ligtas ang lahat kaysa i-underestimate ito subalit sa bandang huli ay may masama namang mangyayari.
Huling namataan ang sentro ng Tropical Depression Samuel sa layong 980 kilometro sa silangan timog silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.
Kumikilos ito sa bilis na 15 kilometer per hour, at taglay ang lakas ng hangin na 55 kph at bugsong 65 kph.
Inaasahan umanong magla-landfall o direktang tatama ang bagyong Samuel sa darating na Martes, at lalabas ng PAR sa araw naman ng Biyernes.
- Latest