Producer ng ‘Ang Probinsyano’ sasampahan ng kaso ng DILG

Ayon kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, dismayado sila sa naturang programa at plano nilang gumawa ng legal na aksyon laban sa mga producers nito.

MANILA, Philippines — Planong kasuhan ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government ang mga producer ng television series na “Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin dahil sa negatibong pagsasalarawan nito sa imahe ng Philippine National Police.

Ayon kay  DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, dismayado sila sa naturang programa at plano nilang gumawa ng legal na aksyon laban sa mga producers nito.

Ani Malaya, alinsunod sa Article 179 ng Revise Penal Code, maaaring parusahan ng arresto mayor o pagkabilanggo ng mula isang buwan at isang araw, hanggang anim na buwan, ang sinuman na magpapakita ng maling paggamit ng ‘insignia at uniporme,’ ng isang tanggapan, kung saan hindi naman siya miyembro.

Aalamin din aniya nila kung may paglabag ang naturang programa sa Children’s Television Act of 1997, na nagsasaad na ang television programs ay dapat na child-friendly.

Sa panig naman ni Año, sinabi nito na dismayado siya sa naturang TV series dahil naghahatid ito ng maling mensahe sa mga mamamayan na nagdudulot ng demora­lisasyon sa mga opisyal at tauhan ng PNP.

Pinalagan din ng DILG chief ang plot ng palabas na mayroong scalawag na PNP chief, gayundin ang pagkakaroon ng grupong ‘Vendetta’ na inilalagay ang batas sa kanilang kamay.

Kaugnay nito, sinabi kahapon ni Senator Grace Poe na dapat ay pagbigyan naman ng DILG ang “konting kaligayahan” ng mga mamamayan.

Sinabi rin ni Poe na bagaman at karapatan ng DILG na gumawa ng legal na aksiyon sa gitna ng maraming problemang kinakaharap ng ahensiya, dapat ay pagbigyan din ang konting kaligayahan ng mga mamamayan na nanonood ng programa.

Idinagdag din ni Poe na ilabas na lamang kung  may basehang legal para huwag magamit ang logo ng anumang ahensiya ng gobyerno at pati ang uniporme ng mga pulis o seal, pero hindi naman dapat palitan ang istorya para magmukhang mabait ang mga pulis at mga opis­yal ng gobyerno.

Kinuwestiyon din ni Poe kung bakit ngayon lamang nagrereklamo ang DILG gayong tatlong taon na ang programa at marami ring iba pang mga naunang pelikula at programa at gumagamit sa uniporme ng mga pulis o sundalo.

Show comments