Mag-ingat sa Magdalo
MANILA, Philippines — Maging sa harap ng Filipino community sa Papua New Guinea ay binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senator Antonio Trillanes IV at binalaan pa ang lahat na mag-ingat sa grupong Magdalo.
Sa kanyang talumpati kamakalawa, sinabi ng Pangulo na dapat mag-ingat kay Trillanes at sa partidong Magdalo na inihalimbawa niya sa grupong ISIS.
Wala umanong alam ang grupo kung hindi pumatay, maghamon at mambastos.
Sinabi pa ng Pangulo na na-rehab lamang umano ang grupong Magdalo nang bigyan ng pardon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Idinagdag ni Duterte na naging makapangyarihan na ang Magdalo at naisip umano ng mga ito na kaya na nilang gawin ang lahat.
Pinalagan naman kahapon ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano ang iresponsable umanong pagkukumpara ni Pangulong Duterte sa Magdalo bilang mga terorista.
Sinabi ni Alejano na bilang mga dating sundalo ay inilagay nila sa panganib ang kanilang buhay upang labanan ang mga teroristang grupo nang sa gayon ay bigyang proteksyon ang mamamayan at bansa sa lahat ng mga kalaban ng estado.
Inihayag ni Alejano na malinaw na ang mga pag-atake laban sa kanila ni Pangulong Duterte ay nangangahulugan na nais lamang nitong patahimikin ang oposisyon lalo sa ‘debt-grab policy’ ng China sa paglambot ng gobyerno sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Idiniin pa ni Alejano na hindi porke’t nasa oposisyon ka ay nangangahulugan ito ng destabilisasyon laban sa gobyerno. (Joy Cantos)
- Latest