Security guards sa malls, pwedeng mag-costume ng Santa Claus – Albayalde
![Security guards sa malls, pwedeng mag-costume ng Santa Claus � Albayalde](https://media.philstar.com/images/articles/bansa8-security-guards-miguel-de-guzman_2018-11-10_22-17-29.jpg)
MANILA, Philippines — Maari pa rin umanong magsuot ng costume ang mga security guards ng mga mall, tulad na lamang ng Santa Claus, ngayong panahon ng kapaskuhan.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief, P/Director General Oscar Albayalde, kahit na isang mall sa Quezon City ang una nang pinagmulta ng PNP dahil sa pagpapasuot ng costume sa kanilang mga security guards, ng walang paalam.
Ayon kay Albayalde, kinakailangan lamang muna na humingi ng permiso sa PNP-Supervisory Office on Security and Investigation Agencies, ang mga security agency, na kinabibilangan ng mga ito, o di kaya ay ang mga mall na mismo.
Ipinaliwanag naman ni Albayalde na ipinagbabawal lamang nila ang pagsusuot ng mga guwardiya ng costumes ng walang pahintulot, upang hindi sila mapagkamalang masamang tao, lalo na kung hindi sila naka-uniporme ngunit may bitbit namang mga baril.
Matatandaang tuwing panahon ng kapaskuhan, may mga security guards sa ilang malls ang pinagsusuot ng Santa Claus costume, upang higit na maramdaman ng mga shoppers ang diwa ng pasko, habang sila ay namimili.
- Latest