Honasan tinanggap ang alok na maging DICT chief
MANILA, Philippines — Tinanggap na ni Sen. Gregorio Honasan ang alok ni Pangulong Duterte na maging kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kapalit ni Sec. Eliseo Rio.
Ayon kay Honasan, tinanggap niya ang posisyon para sa ikauunlad ng Pilipinas at para na rin sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.
“For a better Philippines, a better government, for the Filipino People, and for a better future for our most precious Children; I have decided to accept the offer of the President to help lead the DICT,” nakasaad sa statement ni Honasan.
Una rito, inamin ng Pangulo na inalok niya si Honasan na maging susunod na kalihim ng DICT.
“Yes that is true. I think he (Honasan) is toying with the idea of joining. But I’m not sure if he has decided to actually join,” wika ng Pangulo.
Sinabi ni Pangulong Duterte, kung wala namang balak tumakbo si Honasan sa eleksyon dahil magtatapos na ang termino sa sunod na taon, bakit hindi na lang siya sumama sa hangaring paunlarin ang bansa at ang gobyerno.
Magtatapos ang termino ni Honasan sa Hunyo 30, 2019.
Samantala, hindi na muling magtatalaga ang Pangulo ng political adviser kapalit ng nagbitiw na si Sec. Francis Tolentino na naghain ng certificate of candidacy upang tumakbong senador.
Inihayag ng Pangulo na marami na siyang advisers ngayon at wala siyang nakikitang pangangailangang mag-appoint pa.
- Latest