Pagmumura hindi puwedeng ipagbawal
MANILA, Philippines — Hindi maaring ipagbawal ang pagmumura dahil bahagi ito ng “freedom of speech” o karapatang magsalita.
Ginawa ni Sen. Juan Miguel Zubiri ang pahayag sa ipinasang ordinansa sa Baguio City na nagbabawal sa pagmumura sa mga lugar na pinupuntahan ng mga bata.
Ayon kay Zubiri, bagaman at maituturing na imoral ang pagmumura, pero hindi ito iligal at hindi ito maaring ipagbawal dahil ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatan ng mga mamamayan na ihayag ang kanilang damdamin.
Dagdag ni Zubiri na bukod sa pagmumura, hindi rin maaring ipagbawal ang paggamit ng lengguwahe ng mga bading.
“Wala pa nagkukuwestyon, for me its everyone’s freedom…if they want to say bonggalicious,” sabi ni Zubiri.
Nilinaw ni Zubiri na bagaman at hindi maaring ipagbawal ang pagmumura, labag naman sa batas ang mga pahayag na magsusulong ng pag-aaklas laban sa gobyerno at rebelyon.
Ang anti-profanity ordinance ay inakda ni Councilor Lilia Farinas kung saan ay ipinagbabawal na ang pagmumura sa mga paaralan, computer shops, arcades at iba pang establishments kung saan nagpupunta ang mga bata, high school students at college students sa Baguio.
Sa ilalim ng ordinansa ay puwedeng sipain o patalsikin sa paaralan ang sinumang estudyante na mapapatunayang lumabag sa ordinansa. (Rudy Andal)
- Latest