Linya ng kuryente, comm., cable ibaon sa lupa – solon
MANILA, Philippines — Iminungkahi ni Leyte Rep. Henry Ong sa Department of Energy (DOE) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na ibaon na sa lupa ang linya ng kuryente, komunikasyon at cable television sa buong bansa.
Ito ay upang maprotektahan ang mga kawad ng kuryente at communication cable sa anumang pagkasira tuwing may kalamidad o malakas na bagyo sa bansa at maiwasan ang blackout.
Ayon kay Ong, walang ibang lugar na ligtas na mapaglalagyan ang mga kawad ng kuryente at iba pang kable kundi ang ilalim ng lupa.
Kailangan na umanong simulan na gawin ito sa 2019 sa ilalim ng climate change adaptation and disaster mitigation program.
Batid naman umano ng pamahalaan na ang bansa ay daanan at sinasalanta ng maraming bagyo taun-taon na madalas ay sing-lakas ng bagyong Yolanda.
Bukod dito inirekomenda rin ng kongresista na unti-untiin ang underground cabling sa mga lugar na dinadaanan ng bagyo, tulad ng Eastern Visayas, Bicol region, Northeastern Mindanao at eastern seaboard ng Luzon.
- Latest