1,700 pulis under surveillance sa drugs
MANILA, Philippines — Under surveillance ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang 1,700 pulis na umano’y dawit sa illegal drug trade.
“Well based on our counter intelligence watchlist, ito ang mga allegedly nai-involve sa illegal activities more or less nasa 1,200 o 1,700 tayong binabantayan,” pahayag ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde.
Gayunman, nilinaw ni Albayalde na hindi lahat ng nasabing mga pulis ay nasa illegal drug trade dahil ang iba sa mga ito ay masusi pang bineberipika ng kanilang intelligence operatives.?
“Kaya lang tayo nagkaroon ng watchlist is because meron tayong mga nakukuhang information that needs to be validated and confirmed so ito ay watchlist lang, it’s not confirmed yet,” ani Albayalde.
Muling ipinaalala ni Albayalde na seryoso ang PNP sa internal cleansing upang walisin ang mga bugok na itlog na sumisira sa imahe ng pambansang pulisya.
Samantala ikinalungkot ni Albayalde ang pagkamatay ni Supt. Santiago Ylanan Rapiz nitong Lunes ng gabi matapos na kumasa sa mga operatiba ng pulisya sa buy-bust operation sa Dipolog City, Zamboanga del Norte.
“Tayo ay nalulungkot kung bakit hanggang ngayon meron pa rin tayo nakukuha or nahuhuli or minsan na-eengkwentro na miyembro ng PNP na nai-involve sa illegal activities particularly sa illegal na droga,” pahayag ni Albayalde.
Ayon kay PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) Commander P/Sr. Supt. Romeo Caramat Jr., si Rapiz ay protektor umano ng napaslang na drug lord na si Melvin Odicta sa Western Visayas Region. Inilipat siya sa Zamboanga del Norte Provincial Police Office bilang logistic officer pero nagpatuloy sa iligal na gawain.
Kumikita umano si Rapiz ng P700,000 kada linggo mula sa illegal drug trade sa Western Visayas.
Namumuhay rin umano ng marangya si Rapiz na may malalaking bahay at magagarang sasakyan na hindi nito makakayang bilhin sa kaniyang suweldo.
Si Rapiz ang ika-9 na opisyal ng PNP na napatay sa pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.
- Latest