OFW na nasagip sa death row, umuwi na ng Pinas
MANILA, Philippines — Dumating na kahapon sa bansa ang Pinay worker na napabilang sa “death row” matapos pawalang sala ng korte sa kasong pagpatay sa kanyang amo sa United Arab Emirates (UAE).
Ayon sa tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs (DFA) na si Asst. Secretary Elmer Cato, si Jennifer Dalquez, 29, tubong General Santos City ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kahapon ng umaga sakay ng Philippine Airlines (PAL) flight, kasama ang nasa 86 undocumented OFWs na nag-avail ng amnesty program ng gobyerno ng UAE.
Sinabi ni Dalquez, ang insidente ay nangyari noong Disyembre 7, 2014 matapos na tangkain ng kanyang among pulis na siya ay gahasain kaya nasaksak nito ng makailan ulit sa katawan ang employer niya.
Pinatawan ng sentensiya si Dalquez noong 2015 at napabilang sa ‘death row’ pero sa tulong ng administrasyong Duterte at Migrante International ay nakaiwas ito sa kamatayan.
Pagkakalooban ng pamahalaan si Dalquez ng P100,000 para sa paunang tulong na magagamit sa muling pagsisimula ng buhay habang ang OWWA, DSWD, DOLE at DFA ay may hiwalay na suportang nakalaan dito.
Kasabay nito, pinasalamatan ni Dalquez ang gobyerno ng Pilipinas na ginawa ang lahat upang mailigtas siya mula sa death row.
Si Dalquez ay pinalaya noong Oktubre 25.
Mayroon pa umanong mahigit 80 OFWs sa ibat-ibang panig ng mundo ang nakahanay sa ‘death row’ na tinututukan nang pamahalaan para sa kanilang kaligtasan. (Lordeth Bonilla)
- Latest