MANILA, Philippines — Pinarangalan ng National Press Club si Presidential Communications Secretary Martin Andanar dahil sa walang sawa nitong suporta sa press freedom at pagsusulong ng kapakanan ng Philippine media community.
Tinukoy ni NPC President at kasalukuyang Presidential Task Force on Media Security Executive Director Joel Egco si Andanar bilang isa sa pinakamahusay na kalihim ng Communications department ng Malakanyang.
Kabilang sa mga tinukoy ng NPC na kapuri-puring ginawa ni Andanar ang malaking papel nito sa Executive Order no. 2 ni Pangulong Duterte na may kaugnayan sa Freedom of Information at ang Administrative order #1 o ang pagbuo ng PTFOMS.
Kinilala din ng NPC ang buong pusong pagsuporta ni Andanar sa mga proyekto at aktibidad ng grupo kabilang na ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng NPC at ng Chinese General Hospital.
Binigyang diin pa ng grupo na sa loob lamang ng dalawang taong panunungkulan ni Andanar sa PCOO ay ramdam na ang malaking improvement sa serbisyo at pasilidad ng mga attached agencies tulad ng PTV, Radyo ng Bayan, Radio Television Malacañang, Philippine News Agency at Philippine Information Agency.