10 bus driver, 2 konduktor positibo sa droga

Bahagi ito ng pagtiyak sa kaligtasan ng mga taong bibiyahe pauwi sa mga lalawigan upang doon gunitain ang Undas.
Michael Varcas

‘Oplan Undaspot’

MANILA, Philippines — Sampung bus driver at dalawang konduktor ang nag-positibo sa paggamit ng iligal na droga, sa isinagawang ‘Oplan Undaspot’ o ang surprise drug test ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga bus terminal sa buong bansa.

Bahagi ito ng pagtiyak sa kaligtasan ng mga taong bibiyahe pauwi sa mga lalawigan upang doon gunitain ang Undas.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, kinumpiska nila ang lisensya ng mga driver na nag-positibo sa drug test at hindi muna pinayagang makabiyahe habang isinasailalim pa sila sa confirmatory tests.

Sinabi ni Aquino na talamak ang paggamit ng iligal na droga sa transportation industry kaya’t nalalagay sa panganib ng aksidente ang mga pasahero ng mga ito.

Nanindigan din si Aquino na dapat na ma­nagot ang naturang mga driver na gumagamit ng iligal na droga at nagla­lagay sa kompromiso sa kaligtasan ng kanilang mga pasahero.

Kabilang sa mga nag-positibo ay mula sa bus terminal sa Ilocos region, Batangas City Grand Terminal, Bicol Central Station, North Bus Terminal sa Central Visayas, Abucay New Bus Terminal sa Eastern Visayas, Zamboanga City integrated bus terminal, isang bus terminal sa ARMM, Bicol Isarog bus terminal, at Araneta bus terminal sa Metro Manila.

Ang “Oplan Undaspot” ay isinagawa ng PDEA bago ang Undas, sa pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Show comments