MANILA, Philippines — Tuloy na ang pagpapatupad ng P10 minimum na taas pasahe sa mga pampasaherong dyip simula bukas, Nobyembre 1.
Ito ang inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos isnabin ang request ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) na mapigilan ang fare hike.
Argumento ng UFCC na sapat naman ang kita sa pamamasada ng mga driver na mas mataas sa arawang minimum wage.
Pero ayon sa LTFRB, tuloy ang taas pasahe dahil sa ginawang mga pagdinig ng board tungkol sa fare hike petition habang dininig naman nila ang lahat ng hinaing at pahayag ng mga stakeholders kayat napagpasyahan ng board ang taas singil sa pasahe.
Sa kanilang fare hike petition, sinabi ng jeepney group na Pasang Masda, Fejodap, Acto at ALTODAP, napapanahon ang pagtaas sa singil sa pasahe dahil sa matinding epekto ng oil price hike, taas presyo ng bilihin at mga bayarin sa serbisyo tulad ng ilaw at tubig gayundin ang presyo ng spare parts at maintenance ng mga sasakyan.
Noon pang October 18 naaprubahan ng LTFRB ang fare hike at inantala lamang dahil sa naturang petisyon ng UFCC.