Fil-Am timbog sa mail bomb sa us

Sa handout na ito mula sa Broward County Sheriff Office ang mug shot ni Cesar Sayoc kaugnay ng isa niyang kaso sa Miami, Florida noong 2002.

MANILA, Philippines — Isa umanong Filipino American ang 56 anyos na si Cesar Altieri Sayoc na inaresto ng mga awtoridad sa parking lot ng isang shopping center sa Plantation, Florida, United States nitong Biyernes kaugnay ng mga kahina-hinalang pakete na ipinapadala sa mga prominenteng democrat sa naturang bansa o sa mga kritiko ni US President Donald Trump.

Kinasuhan si Sayoc ng limang federal crime dahil sa 13 homemade bomb na ipinadala umano niya sa mga halal na opisyal, celebrities at ibang political figures.

Meron umanong criminal history si Sayoc na kasalukuyang naninirahan sa Aventura, Florida at ka­bilang sa record niya ay theft, fraud, at bomb threat.

Napaulat na ang ama ni Sayoc ay ipinanganak sa Pilipinas noong Mayo 14, 1932 na dumayo sa Amerika at naging naturalized doon noong 1970. Ang batang Sayoc ay ipinanganak noong 1962 sa Brooklyn, New York at lumipat kinalaunan sa Florida.

Kabilang sa pinadal­han ni Sayoc ng mga improvised explosive device sina dating US President Barack Obama, dating Secretary of State Hillary Clinton at bilyunaryong si George Soros. Kapag napatunayan at nasentensiyahan siyang nagkasala, nahaharap siya sa parusang 58 taong pagkabilanggo.

Nauna rito, ilang beses nang inaresto noon si Sayoc kabilang ang sa Miami-Date County noong 2002 dahil sa ginawa niyang bomb threat sa isang power company.

Sa loob ng van ni Sa­yoc na nakumpiska ng mga ahente ng Federal Bureau of Investigation ay nakita ang mga larawan nina Obama at Clinton na may mga red bull’s eyes sa kani-kanilang mukha. (May ulat ng Agence France Presse)

Show comments