MANILA, Philippines — Mayroon umanong namumuong kaguluhan o kalituhan sa mga puwestong inookupahan ng mga nominado ng Senior partylist sa Kongreso.
Ayon sa isang mapapanaligang impormante, “ibinenta” umano ng Coalition of Association of Senior Citizens of the Philippines, Inc. o Senior Citizens Party-list ang posisyon para sa pangalawang nominado nito para sa susunod na halalan. Ito ang balitang umiikot sa Kongreso matapos ang kanilang pagsampa ng Certificate of Candidacy noong Okt. 11, 2018.
Mapapansin na hindi kasama ng naturang partido ang kanilang pangalawang kinatawan sa Kongreso na si Rep. Milagros Aquino-Magsaysay noong naghain ng Certificate of Candidacy ang partido.
Ayon sa kampo ni Aquino-Magsaysay, wala ang naturang kongresista nang ihayag ng board of directors ng Senior Citizens Party-List ang kanilang mga nominado para sa susunod na halalan.
Ang pangalawang nominado na iniluklok ng board of directors ng naturang partido na hindi pinangalanan ay hindi umano miyembro ng board of directors at official member ng naturang partido. Ito ay ayon umano sa mga miyembro ng Senior Citizens Partylist.
Magmula pa noong eleksyon ng 2013 ay nagkakagulo na ang naturang grupo na naging bunsod sa hindi pag-upo ng kanilang mga nominado. Hindi rin nakaupo ang naturang partido nang manalo ito noong 2016 datapwat na nakapagtala ng higit-kumulang na 1 milyong boto dahil sa dalawang magkaibang paksyon nina dating Rep. Godofredo Arquiza at Rep. Francisco Datol Jr..
Noong 2017, ay tuluyang nagkaroon ng kinatawan ang partido sa Kongreso na sina Datol, Jr. bilang unang kandidato at Aquino-Magsaysay bilang pangalawang kandidato.