MANILA, Philippines – Tuluy-tuloy na ang nakatakdang pagbubukas muli sa mga turista ng pamosong Boracay Island sa Malay, Aklan sa darating na Okt. 26, 2018.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, bagaman magkakaroon ng ‘soft opening’ sa Boracay para sa mga dayuhan at lokal na turista, tatagal pa ng dalawang taon bago tuluyang makumpleto ang rehabilitasyon ng nasabing tourist spot.
?“There will be a lot of laws and ordinances to be implemented in Boracay under our (DILG) supervision to make sure that there will be no repeat of what happened before,” ani Año.
Sinabi ni Año na ang mga pangunahing problema sa paglabag sa environmental laws sa Boracay ay natugunan na matapos ang anim na buwang rehabilitasyon.
Magugunita na bumuo ang pamahalaan ng Boracay Interagency Task Force kabilang ang DILG, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Tourism (DOT) upang sagipin ang Boracay.?
“Boracay is now very fresh and very orderly but of course there are still a lot of things to be done for the next two years,” ani Año.
Samantala sinampahan ng DILG ng kasong administratibo ang 18 local officials dahil sa kapabayaan sa pangangasiwa sa Boracay.
Tanging ang mga business establishments na may Sewerage Treatment Plants (STPs) ang papayagang magbukas.
Magugunita na ipinasara ni Pangulong Duterte ang Boracay Island na binansagan nitong ‘cesspool’ matapos na maging marumi dahil sa kapabayaan.