MANILA, Philippines — ‘Hindi pa tapos ang laban sa terorismo at marahas na extremist.”
Ito ang mariing deklarasyon kahapon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Carlito Galvez sa paggunita sa ika-1 taon anibersaryo ng Marawi City siege.
Ang Marawi City liberation ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 17, 2017 matapos namang mapatay sa assault operation ang mga lider ng Maute ISIS na sina Isnilon Hapilon, ang itinalagang lider ng ISIS sa Southeast Asia; magkapatid na Omar khayam at Abdulla Maute. Una namang napaslang sa kasagsagan ng bakbakan sina Otto at Abdullah Maute, ang magkakapatid na lider ng Maute-ISIS.
Samantala, inianunsyo naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagtatapos ng combat operation sa Marawi City noong Oktubre 23 ng taong ito.
Kasabay nito, nagpugay ang AFP sa 168 bayaning sundalo na nagbuwis ng buhay para makamit ang kalayaan ng Marawi City laban sa Maute-Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na sumakop sa lungsod noong Mayo 23, 2017.
Ang Marawi City siege ay tumagal nang limang buwan kung saan ang paghahasik ng terorismo ng Maute-ISIS ay nagbunsod upang magdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao Region na pinalawig hanggang Disyembre ng taong ito.
Sa nasabing okasyon ay pinarangalan din ng AFP ang nasa 20 personnels nito kung saan ang pinakamataas na parangal ay Gold Cross Medal habang pinagkalooban din ng award ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) PNP Battalion.