Tax increase sa tabako inangalan

Kasabay nito nagbabala rin ang kongresista na kapag ipinasa ito ay magdudulot ito ng “coup de grace” sa namamatay nang industriya na sumusuporta sa milyong Filipino sa tatlong rehiyon sa Luzon.
Jun Elias

MANILA, Philippines — Binatikos ni Ilocos Sur Rep. Eric Singson ang hakbang ng anti-smoking groups para i-pressure ang Kongreso na aprubahan ang panibagong tax increase sa mga produktong tabako.

Kasabay nito nagbabala rin ang kongresista na kapag ipinasa ito ay magdudulot ito ng “coup de grace” sa namamatay nang industriya na sumusuporta sa milyong Filipino sa tatlong rehiyon sa Luzon.

Ayon pa kay Singson na pinuno ng Solid North Alliance of Northern Luzon Congressmen, na ang mga mambabatas na kabilang sa kanilang organisasyon ay mahigpit na tututulan ang panukala na naglalayong itaas ang tobacco excise tax mula sa kasalukuyang P35 kada pakete at gawin itong P90.

Kinondena rin niya ang mga grupo na nagnanais na magkaroon ng excise tax adjustment dahil sa pagtatangka nila na sirain ang industriya ng tabako na bumubuhay sa milyun-milyong magsasaka na dito kumukuha ng ikinabubuhay.

Nilinaw naman ni Sing­son na ang Tabako ang isa sa heavily taxed industries sa bansa kung saan sa loob ng anim na taon ay nagtaas na sila ng excise tax ng pitong beses dalawa dito noong 2018 at umabot na sa 1,000 porsiyentong pagtataas sa loob ng anim na taon.

Ang anti-tobacco groups ay mahigpit uma­nong nagla-lobby para sa pagpasa ng panukalang pagtataas ng buwis kahit na patuloy ang pagpapatupad ng excise tax adjustment sa ilalim ng TRAIN law.

Ang nasabing panu­kalang pagtataas ay inihain nina Senators Manny Pacquiao at JV Ejercito na nanawagan ng panibagong excise tax hike sa mga produktong tabako habang sa Kamara naman ay mayroong inihain si Albay Rep. Joey Salceda ang House Bill 4575 na nagsusulong para sa restructuring ng excise tax sa mga Tobacco products.

Show comments