MANILA, Philippines — Dahilan sa pangambang arestuhin, hindi makapaghain ng certificate of candidacy si House Deputy Speaker at Sulu Rep. Munir Arbison.
Ayon kay Arbison, ang kanyang kasong arson ay gawa-gawa lamang umano ng kanyang kalaban sa pulitika na naihain pa noong 2004 at umano’y dinismis na ng korte.
Paniwala ni Arbison, political harassment lamang ito ng kanyang mga kalaban bagaman magkaibang posisyon ang tatakbuhan nila ni dating Sulu Governor Abdusakur Tan.
Sa isang pulong balitaan, iginiit niya na upang hindi madamay sa warrant of arrest ang kanyang paghahain ng COC ay agad silang dumulog at nagpetisyon sa Court of Appeals (CA) na mabilis namang naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO).
Ang masakit lamang umano ay hindi kinikilala ng Philippine National Police-Criminal Investigation Division Group (PNP-CIDG) ang naturang TRO.
Nangangamba naman ang kampo ni Arbison na ipaaresto ang kongresista sa sandaling tumuntong ito sa Sulu at maghain ng COC.