Crowd control scheme, ipapatupad sa LRT-1

Simula sa Lunes

MANILA, Philippines — Inihayag ng pamunuan Light Rail Transit 1 (LRT-1) na magpapatupad sila ng  crowd control scheme simula bukas sa kanilang mga istasyon upang maiwasan na ang siksikan sa pagsakay ng mga pasahero sa mga tren.

Sa abiso ng LRT-1, ang crowd control ay isa­sagawa sa hagdan ng mga istasyon, bago pumasok sa gate ng Automatic Fare Collection Systems (AFCS), sa Ticket Vending Machines (TVMS) at maging sa platform ng mga istasyon.

Ang crowd control scheme ay ipapatupad ng alas-7:00 ng ­umaga hanggang alas-10:00 ng umaga at mula alas-4:30 ng hapon hanggang alas- 8:30 ng gabi, kada araw.

Layunin ng LRT-1 ang kaayusan sa ipapatupad na bagong panuntunan at upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero, na minsan ay nagkakatulakan dahil sa pag-uunahang makasakay ng tren.

Plano rin naman ng LRT-1 na limitahan na ang bilang ng mga pasahero sa bawat platform ng istasyon ng tren maliban na lang sa priority passengers  o yaong para sa Senior Citizen, Persons with disabilities (PWD), buntis at may kasamang bata, upang matiyak ang maayos na pagsakay ng lahat ng mga pasahero.

Humihiling din ang pamunuan ng LRT-1 sa publiko ng pang-unawa hinggil sa gagawin nilang mga pagbabago.

Show comments