MANILA, Philippines — Ipinasa na kahapon sa 3rd at final reading ng Senado ang Universal Health Care Bill matapos sertipikahang “urgent” ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni Sen. JV Ejercito, chairman ng committee on health and demography, ang Senate bill 1896 ay nag-aatas sa Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at local government units (LGUs) upang magpatupad ng Universal health care sa taumbayan partikular ang mahihirap na Filipino.
Ayon kay Ejercito na sponsor ng nasabing bill, tinatayang nasa P6,345 ang pangangailangang pagkalusugan ng bawat Filipino batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2016 na mas mataas ng 8.7 percent noong 2015.
Aniya, ang bawat Filipino ay nagpapatingin lamang sa doctor kapag mayroon na silang sakit na kadalasan ay malala na dahil sa kawalan ng suporta sa gobyerno para sa health care.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala ay awtomatikong naka-enroll sa National Health Insurance Program ang mga may kapasidad na magbayad ng premiums habang ang gobyerno naman ang sasagot sa mga indigents, senior citizens at iba pang sektor ng komunidad.
Pinalawak ng panukalang batas ang magiging PhilHealth coverage na kabilang na ang free consultation fees, laboratory tests at ibang diagnostic services.