P15K pension hike ng War veterans umusad na
MANILA, Philippines — Umusad na sa Senado ang panukalang dagdagan ng P15,000 ang kasalukuyang P5,000 buwanang pensiyon ng mga World War veterans upang maging P20,000 na ito.
Sa sponsorship speech ni Sen. Gregorio Honasan sa Senate Bill 1766, sinabi nito na ang huling increase na ibinigay ng Kongreso sa buwanang pensiyon ng mga beterano ay P1,000 noon pang 1994.
Sinabi ni Honasan, 24 na taon matapos maisabatas ang RA 6948, ang P5,000 pensiyon ay hindi na sapat lalo pa’t marami sa mga beterano ay kinakailangan ng bumili ng gamot dahil sa iba’t ibang sakit.
Sa records ng Philippine Veterans Affairs Office, nasa 6,218 na lamang ang nabubuhay na mga senior veterans.
Ipinunto pa ni Honasan na hindi na naman madadagdagan ang nasabing bilang at sa halip ay lalo silang nababawasan sa paglipas ng panahon.
“Conservatively projecting for the next two years, the number will be 4,933 in 2019 and 3,851 in 2020,” sabi ni Honasan.
Ang pondo para sa bagong rate na P20,000 pension ay aabot sa P1.83 bilyon para sa 2019 at P924.24 milyon sa 2020. Mas lalong liliit ang kailangang pondo taun-taon dahil sa bilang ng namamatay na beterano.
Sinabi pa ni Honasan na marami na ang nawalang beterano at dapat kumilos ang gobyerno para maibigay naman ang nararapat na tulong sa kanila.
- Latest