NCRPO makikipagpulong sa CHED
MANILA, Philippines — Nakatakdang makipagpulong si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Guillermo Eleazar sa mga opisyal ng Commission on Higher Education (CHED) upang ang mga ito mismo ang kumastigo at magpaalala sa mga guro na huwag hikayatin ang mga estudyante na lumahok sa Red October ouster plot upang ibagsak sa kapangyarihan si Pangulong Duterte.
Ito’y sa gitna na rin ng pagbubulgar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na aktibo ang recruitment sa mga estudyante ng CPP-New People’s Army sa 18 unibersidad sa Metro Manila.
Base sa report, may mga militanteng guro na nanghihikayat sa mga estudyante na mag-aklas sa administrasyon na maging ang mga test papers ay patungkol sa Extra Judicial Killings (EJKs).
Aminado si Eleazar na nagkaroon na ng ‘infiltration’ o napasok na ng CPP-NPA ang nasabing mga eskwelahan para hikayatin ang mga estudyante dito na mag-aklas at tumulong para ibagsak ang administrasyon.
Bagaman iginagarantiya ng NCRPO ang kaligtasan ng mga guro at estudyante kung may ebidensya sa paglabag ng mga ito sa kasong sedisyon at rebelyon ay hindi ito maaring basta na lamang ipagwalang bahala ng pulisya.?
Nilinaw naman ni Eleazar na hindi porke at lumahok sa rally ang mga estudyante ay kasapi na ang mga ito ng CPP-NPA.
Ang Red October Plot, ayon sa mga opisyal ay ang isang malaking sabwatan ng CPP-NPA rebels, grupo ng oposisyon, mga lider ng simbahan, Tindig Pilipinas at Movement Against Tyranny upang agawin umano ang kapangyarihan kay Pangulong Duterte kung saan bahagi ng plano ay magdaos ng mga kilos protesta.
- Latest