MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag ng tanggapan ng Ombudsman si dating PCOO Assistant Secretary Mocha Uson kaugnay ng kontrobersyal na “Pepe-dede-ralismo” dance campaign na umani ng mga pagbatikos sa social media kamakailan.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, kailangang makapagsumite ng komento si Uson hinggil dito gayundin si PCOO Secretary Martin Andanar.
Ang reklamo sa Ombudsman ay nag-ugat sa kontrobersyal na “Pepe-dede-ralismo” dance campaign at malaswang sign language kasama ang kanyang BFF blogger na si Drew Olivar.
Binigyang diin ni Ombudsman Martires, noong nagdaang September 28 pa nila inabisuhan si Uson na magkomento hinggil sa reklamo.
Nilinaw naman ni Martires na kahit nagbitiw na sa puwesto si Uson, nakasaad sa general rule na ang resignation ng sinumang opisyal ng gobyerno ay hindi maituturing na lusot na mula sa criminal at administrative proceedings.
Patuloy anya ang gagawing pagbusisi ng Ombudsman sa kaso kahit wala na sa gobyerno si Uson matapos magbitiw kamakalawa.
Related video: