MANILA, Philippines — Pasado na ang House Bill 8165 na naglalayong lumikha ng hiwalay na Department of Disaster Resilience (DDR) para tugunan ang malimit na pananalasa ng mga kalamidad at tumulong sa patuloy na pagsulong ng pambansang ekonomiya at buhay ng mga Pilipino.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang pangunahing may-akda ng panukalang batas, ang DDR ay magkakaroon ng “mandatong magsulong ng mabisang programa laban sa mga kalamidad at mga estratehiya sa paghahanda, paglaban at pagbangon mula sa pananalasa ng mga ito.”
Kapag naging batas, pagsasamahin ng DDR sa isang bubong ang mga ahensiyang may kinalaman sa kalamidad upang matiyak ang pagbalangkas ng mga plano at pagbibigay sa publiko ng mga tamang kaalaman, panuntunan at akmang hakbang na dapat gawin laban sa banta ng kalamidad, batay sa masusing mga pagsusuri.
Kasama rito ang Mines and Geo-sciences Bureau (MGB) ng DENR, PAGASA at Phivolcs na kapwa bahagi ng Department of Science and Technology (DOST), at Bureau of Fire Protection mula sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Ipinasa ng Kamara ang HB 8165 nitong Setyembre 18, matapos manalasa ng bagyong Ompong sa hilagang Luzon na sinundan ng pagguho ng mga minahan sa Itogon, Benguet at Naga City, Cebu na kumitil ng maraming buhay.
Ipinaliwanag ni Salceda na kung mayroon na sanang DDR, ang ganitong mga trahedya ay maaaring maiwasan o kaya maibsan. Pinuna niya ang trahedya sa Naga na dapat sana ay napigilan o naibsan kung nabigyan ng kaukulang pagpapahalaga ang banta nito.
Nanawagan si Pangulong Duterte sa Kongreso sa pamamagitan ng kanyang 2017 at 2018 SONA na lumikha ito ng isang “disaster management agency.”
Kasunod ng 2017 SONA niya kaagad inihain ni Salceda sa Kamara ang kanyang DDR bill. Pinabilis ng pangalawang panawagan ng Pangulo ang pagpasa ng Kamara sa kanyang panukalang batas.